PANITIKAN( Maikling Kwento)

Ang Bata, Ang Ibon, Ang Ulan
Ni Aurora E. Batnag

Limang itlog! Lima na ang itlog sa pugad. Walang pagkasyahan sa tuwa ang batang lalaki. Ibig niyang sumigaw, ipagbunyi ang limang itlog sa pugad. Ngunit naaalala niya na ang pugad ay banal na lihim na tanging silang dalawa nng ibon ang nakakaalam. Hindi niya ito dapat ipaalam sa iba.
Gusto niyang damputin ang mga itlog, himasin ang mga ito, damhin ang balat sa kanyang palad. Pinigil niya nag sarili. Nagkasya na lamang siya sa mataimtim na pagmamasid dito.
Pagkaraan, nanguha siyan ng ilang buko ng bulaklak – damo para makain ng ibon tulad ng ginagawa niya mula nang matuklasan niya ang pugad. Iniwan niya ang mga ito sa tabi ng pugad.
Ilang lingo na ang nakararaan mula nang matuklasan niya ang pugad na iyon. Patungo siya sa sapa nang mamataan niya ang isang puti at abuhing ibon sa mabagal at walang ingay nitong paglipad patungo sa malagong kasukalan ng mga matataas na mirasol. Nagtaka siya kung bakit hindi nagtuloy ang ibon sa mataas na puno. Ang alam niya, lagging umiiwas ang mga ibon sa tao, lalo na sa mga batang mahilig mambato. Pero ang isang ito’y walang ingay na patalun – talon sa mga sanga, parang hinihikayat siyang sumunod.
Naalaala niya ang kwento tungkol sa isang ibon na nagtungo sa isang batang – batang hari sa isang madilim na kagubatang hindi pa naaabot ng tao, na kinatagpuan nito ngn isang ginintuang gusing puno ng kayamanan.
Sinundan ng bata ang ibon. Dumapo ito sa isang malaking bato sa di kalayuan, ikinilling – killing ang ulo na para bang sinusuri siya. Nagtaka ang bata; ang kislap sa malilliit na mata ay hindi sa isang kaaway. Parang ito’y nakikipagkaibigan.
Sa isang kisap – mata, lumipad ang ibon at nawala sa mga halaman.
Nang makalayo ang ibon saka nanghinayang ang bata. Kaylapit ng ibon – dinakma niya sana ito!
Imposibleng maabutan niya ang ibon. Ngunit naalala niya ang gusi ng ginto. Wala siyang gaanong alam tungkol sa mga kayaman; ngunit alam niya na ang ginto ay tinutunaw mula sa mga batong nahuhukay sa mga kubling ilog na may batuhang kumikinang na tulad ng mirasol.
Nagpalinga – linga siya, nagbabakasakaling makakita ng isang gusing ginto. Sa halip, isang bansot na puno ng bayabas ang tumawag sa kanyang pansin. Nakita niya sa tatlong nag-usling sanga nito ang simula ng isang hugis – mangkok na pugad na binubuo ng tuyong damo at malakarayom na dahon ng pino. Ang pugad ay pinapayungan ng mga dahon ng punong bayabas at nng mirasol. Kakaunti pa ang mga tuyong damo at dahon ng pino, sapat lamang upang mabigyang – hugis ang isang pugad. Matatagalan bago ito matapos ng ibon. Nais ng batang makatulong. Nanguha siya ng mga tuyong damo at dahon ng pino at iniwan ang mga ito sa tabi ng pugad. Nanguha rin siya ng mga buko ng bulaklak – damo upang makain ng ibon.
Mula noon, araw – araw siyang nagtutungo sa kasukalan upang tingnan ang pugad. Hindi niya nakakaligtaang mag-iwan ng buko ng bulaklak – damo para sa ibon.
Ito’y parang ritwal, waring isang pansariling seremonya ng pag – aalay ng pagkain para sa kalusugan at mahabang buhay ng ibon. Naging bahagi siya ng unti – unting pagkabuo ng pugad. At napansin niya, ang pugad ay waring may init ng buhay, di tulad ng ibang malamig, walang buhay na pugad na dati na niyang nakikitang kakalat – kalat sa damuhan. Paalis na ang bata nang dumating ang ibon. Walang ingay itong dumapo sa isang sanga, waring nagsusuring pinagmasdan ang bata. Maingat atwalang kilatis na humakbang palayo ang batang lalaki. Hindi niyia ibig sirain ang kabanalan ng paligid.
Naisipan ng bata na magtungo sa sapa. Iginala niya ang mga matang naniningkit sa pagkasilaw sa init ng katanghaliang tapat. Sa kanyang likuran, ang nayon ay payapang nakalatag sa gilid ng kabundukan, tahimik sa pagitan ng bulong ng mga matatandang burol. Tanging ang pagputak ng mga inahin o pakahol ng mga aso ang pumupunit sa katahimikan.
Patungo na siya sa sapa nang masalubong niya ang kabataang lalaking iyon – ang pinakatamad sa kanilang nayon, ayon sa kanyang ina. Nakapatong sa balikat nito ang ilang tuyong sangang magagamit na panggatong.
“ Ano’ng ginagawa mo riyan? Bati nito sa kanya.
“ Talagang may katamaran ka ano? Sabi ng bata sa halip na sagutin ng tanong. “ Nangunguha ka na lang ng tuyong sanga sa halip na sumama sa kalalakihan sa pangunguha ng panggatong sa gubat.”
“ Um-uhm,oo nga,” amin ng lalaki. “Tamad nga ako, pero mautak. Alam ko kung paano mapadadali ang mga trabaho.”
“ Tulad ng ano?”
“ Tulad nito. Nakakakuha ako ng mas mainam na panggatong sa medaling paraan.”
“ Paano?”
“ Sekreto ko ito, pero sasabihin ko sa iyo. Ang mga tuyong sanga ang pinakamainam na panggatong. Madali itong magsindi at hindi na kailangang putulin sa mga malalaking puno sa pusod ng gubat. Pinupulot na lang.” parang naiinis nitong pinagmasdan ang kagubatan ng puno sa di kalayuan.
Kinabahan ang bata sa nakita niyang pagkainis sa mukha ng lalaki. May dalawampung taon siguro at doble ang laki sa kanya. Ayaw niyang magalit ito sa kanya.
“ Hoy, ako ri’y may lihim.” Biglang naibulalas ng bata.
“ Ano?”
“ Meron akong pugad ng ibon.”
Nabigla sa pagsasalita ang bata. Ibig niyang bawiin ang sinabi, ngunit naramdaman niya ang mga matitigas na daliri ng lalaki sa kanyang balikat.
“ Ano ‘kamo?”
“ Me… meron akong pugad ng ibon…”
Nawala nag pagkayamot sa mukha ng lalaki. Nakatayo sila sa landas patungo sa kasukalan.
Nagsisis ang bata sa kanayng naipagtapat. Nakatayo lamang siya sa harap ng lalaki, parang paralisado ang buong katawan.
“ Saan?” ang tanong ng lalaki. “Saan?” naggugumiit ang tanong.
Mangiyak –ngiyak na nagsallita ang bata. “ Meron akong pugad ng ibon… me itlog…”
“ Ilan?”
“ Li – lima…”
“ Saan?”
Dinakma ng lalaki ang balikat ng bata. Parang pinanawan ng lakas ang bata.
“ Saan?’
“ D – doon…”
Binitiwan ng lalaki ang bata. Pinagmasdan nito ang kasukalan, waring hindi naniniwala. Naisip ng bata na mabuti ngang hindi ito maniwala. Ngunit binuhat siya nito.
“ Sige, ituro mo,” ang sabi.
Nang sapitin nila ang pugad, malungkot na pinagmasdan ng bata ang limang itlog nito.
Dali – daling kinuha ng lalaki ang mga itlog. Hinatak nito ang kamay ng bata at inilagay sa palad nito ang tatlong itlog.
“ Tatlo para sa iyo. Sa iyo naman ang pugad. Tama na sa akin ang dalawa.
Pagkasabi nito, inayos pa ng lalaki ang pugad, para bang inaasahang babalik ang ibon at mangingitlog uli.
“ Dali”, sabi nito. “ Baka dumating ang ibon.”
Nang makalabas sila sa kasukalan, dali – dalling binasag ng lalaki ang itlog at tuloy – tuloy na nilunok ang laman nito.
Binasag din ng bata ang isang itlog, ngunit nang tangkain niyang lunukin ito, may kung anong bumara sa kanayng lalamunan at humalukay sa kanyangb sikmura. Ang paghalukay ay nagpatuloy hanggang sa maramdaman nitang parang masusuka siya.
“ Ayaw mo ba? Masarap, a!” sabi ng lalaki.
Hindi kumibo ang bata.
“ Bakit?”
“Ayoko ng lasa,” ang sagot. Parang hinahalukay pa rin ang sikmura niya. “Iyo na.” at inabot niya sa lalaki ang dalawang itlog.
“Iuwi mo. Matutuwa ang iyong ina.”
“ Hindi bali na. Ayokong may iba pang makaalam tungkol sa pugad.”
“ Iyon lang pala. Sige, ito an gating sekreto mula ngayon.” Kinuha nito ang dalawang itlog at kinain.
“ Mauna ka na.’ pagkaraa’y sabi ng bata. “ Masama ang pakiramdam ko.”
“ Sige.”
Naiwang nakatulala ang bata. Nagsisi sa nagawang pagtatapat tungkol sa pugad. Ito ang kanyang banal na lihim. Gusto lamangn naman niyang ibalita ang tungkol dito. Hindi pumasok sa kanyang isip na titingnan ng lalaki at kakainin ang mga itlog nito.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nanatiling nakatayo sa bakuna ng kasukalan. Pagtingala niya, napansin niya ang nagdidilim na langit. Uulan nang malakas, naisaloob niya. Ngunit hindi ito mahalaga. Ang tanging mahalaga’y ang makapitas siya ng mga buko ng bulaklak – damo para sa ibon.
Naisipan niyang magbalik sa pugad. Malayu – layo pa siya’y narinig na niya ang mabangis na huni ng ibon. Nanibago siya. Dati, kahit mahinang huni ay hindi niya narinig sa ibon, waring ang katahimikan ay bahagi ng banal na lihim nilang dalawa.
Ngunit ngayo’y pumupunit sa katahimikan ng paligid ang matinis na tinig ng ibon, ang parang baliw na paghuni nito. Ang di mapakaling pagakpak niti’y pumupuno sa kanyang pandinig.
Pagsapit niya sa pugad, nakita niya ang ibon, binabaltak ngn kuko ang mga tuyong damo at dahon ng puno sa pugad, parang hinahanap ang mga itlog. Nang Makita siya ng ibon, tahimik itong lumipad palayo. Sumunod ang bata. Dumapo ang ibon sa isang malaking bato at tumitig sa bata, tulad nang una niya itong Makita. Walang kilos ang ulo nito sa pagkakakilig. Waring sinusuri siyang mabuti.
Nagsimulang pumatak ang ulan sa mga pisngi ng bata ngunit hindi ito kumilos. Binago ng ibon ang pagkakahiling sa ulo, ngunit nanatili ang parang nanunumbat nitong titig. Maya – maya, muling humuni itong parang nagagalit.
Lumakas ang patak ng ulan. Lalong lumakas ang huni ng ibon. Parang sinusumpa ang bata. Maya – maya, tahimik itong lumipad palayo, sa kabila ng malaking bato, at mabilis na nawala sa kanyang paningin. Napaiyak ang bata. Alam niya na hindi na muling magbabalik ang ibon. Alam din niyang ang pugad nito’y mapapabiulang na lamang sa malamig na kalansay ng hugis – mangkok na mga pugad na kakalat – kalat sa damuhan.
Matagal na nakatayo ang bata, tahimik na nakatingin sa dakong tinungo ng ibon. Palakas ng palakas ang ulan – na ngayo’y parang Kristal na palasong nagpapahirap sa kanya. Tumino ito sa kanyang mukha, sa kanyang balikat, sa kanyang batok, sa kanyang likod, amging sa kanyang mga paang bumabakas sa malambot na lupa. Ngunit nanatili siya roong nakatayo hanggang sa sumapit ang dilim at ang malaking batong kanyang pinagmamasdan ay nagmistulang malahalimaw na anino.
Nagtatatakbo siyang pauwi.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: